History of how Agustin De San Miguel changed their name to Lukban - In Tagalog
Taong 1840, ng si Don Saturnino Cristoval Rilles (de Villaseñor), ang Gobernadorcillo del Pueblo, siya ang nagpa-comisyon na magpagawa ng Mahal na Senor, sinasabing ang La Purrisima ng Municipio at ang Mahal na Senyor ay nagmula sa iisang torso lamang. Ayon sa Camarera ng Mahal na Senyor mga taong 1895, ng ipagawa ng Capitan ang Senor, ito ay karaniwang naka-base sa simbahan at totoong pagaari ng bayan. Tunay ngang nilingap ng taong bayan ang Mahal na Senyor at sinasabing sa prusisyon nito tuwing Viernes Santo ay piling tao lamang na naka-Americana ang siyang maguusong sa Senyor, at habang dumadaan ang Senyor ay nagsisiluhuran ang mga tao.
Ang esposa ng Capitan ay sadyang mahilig sa alajas, kaya nga’t isang araw sa isang alajerong maynilain, ay minsang naipambayad ang mahal na Senyor. Sinasabing habang pasan sa kawayan ang mahal na Senyor, daang Majayjay, patungong Maynila, sa malakas na ulan at tila bagyo, ay palagi pang napuputol ang kawayan na siyang pinagpapatungan ng Senyor. Mula sa Maynila ay pinagsasaktan ang mga nakatira sa bahay na pinaglalagakan ng Mahal na Senyor. Labis na diramdam ng taong bayan ang pagakawala ng Mahal na Senyor, Kaya’t sinasabing sa kabutihang loob ni Don Juan Rañola (kamaganak ni Don Saturnino sa Villaseñor, mula sila sa iisang angkan, isang relihiyoso ng simbahan), ay siyang nanguna sa paglikom ng salaping pa-nubos ng Señor, sa likom na salapi na mula sa taong bayan at sadyang kulang na kulang, ay si Don Juan na ang nagpuno, at tumungong Maynila upang tubusin ang Mahal na Senyor, Walang kaabaaba ay nakarating nga maluwalhati ang mahal na Senyor, sa kagandahan ng panahon, at sinundo pa ito ng musiko sa bukana ng bayan. Muli ay nasa Pueblo na ng Lucban ang Mahal na Senyor. Nakarating sa Gobernadorcillo ang panunubos ng ni Don Juan, kaya nga’t nagsamapa ito kaagad ng asunto ang Capitan Saturnino, sapagkat wala namang ibang may karapatang tumubos kundi ang nagsangala, Sinasabing ang kaso ay nakarating hanggang sa Corte Real, na ang katumbas sa Panahong ito ay ang Corte Suprema, sa desisyon ng Corte ay pinaboran si Don Juan bilang Camarera ng Senyor. At natalo ang mga Rilles. Ang mga Rilles at nangibang-bayan patungong norte, at bilang pagkilala nila sa kanilang bayang tinubuan ay pinalitan nila ang kanilang apelyido, ang Rilles, ng Lucban. Sinasabing kaya nga daw nagibang bayan ang mga Rilles ay dahilan sa scandalong naganap, ang pagsasanla ng pinakamamahal ng taong bayan, ang Mahal na Senyor, sapagkat kung iisiping talaga ay ano pa nga ba ang hahanapin ng mga Rilles sa Lucban, isa silang prominenteng Familia at isang Villaseñor, makapangyarihan, at kung sa kabuhayan naman ay totoong di salat. Ang mga Rañola naman ang kinilalang Camarera ng Mahal na Senyor, at bilang pagkilala nila sa taong bayan bilang tunay na may-ari ng Senyor ay tuwing Viernes ay bukas ang kanilang tahanan para sa Besos Manos. Ang may-ari na ng Mahal na Senyor ay ang taong bayan, at kahit naman noon pa.
Panahon noon ng Hapon ng sinusunog ang buong bayan ng Lucban, ang Mahal na Senyor, sa kaugalian ay nasa Simbahan, habang nagkakagulo sa bayan ay isang baliw ang nakipagusap sa Senyor at sinabing, “Mahal na Senyor, kun inyo pong mamarapatin ay itatakas kita at dadalhin pa-linang, at doon ikaw ay ligtas”, ang Senyor na purong kahoy at sadyang napakabigat sa pinasan ng baliw, at ang kanayang kumot, (na may kabigatan din dahil sa mauumbok na burda ng gintong sinulid) ay tiniklop sa apat at ipinatong sa ulo. Nadala ng baliw ang mahal na Senyor at ang kanayang kumot sa linang, at binomba na nga ng mga Americano ang Simbahan. Pagkatapos ng Guerra ay pinaghahanap ng taong bayan ang Mahal na Senyor, at di nga nila ito mahanap, kahit man lamang ang mga labi nito, at may nakapagsabi ngang ang mahal na Senyor ay naitakas. Natunton ng taong bayan na ang kinalagayan ng Mahal ng Senyor sa linang, at muli ay sinundo ito ng musiko. Noon din ay ito ang pinaniniwalaang ang casaysayan kung bakit pinagkakaguluhang parang baliw ang prusisyon ng Mahal na Senyor tuwing Viernes Santo.
Nang maisalva ang mahal na Senyor, ay walang natira, ang lahat niyang gamit, ang andas atbp. Ay nasunog ngang lahat, kaya nga’t noong panahong iyon ay nanghiram ang mga Rañola ng mga ilawang verina sa mga Esquieres, sapagkat di naman nasunog ang kanilang tahanan, ang Camarera naman noon ay si Don Francisco Esquieres at totoo naman walang kakulitan sa pagdating sa pagpapahiram, kaya nga’t pinahiram nya ang mga verinang ginagamit ng Tres Caidas, total ang prusisyon naman ng Tres Caidas ay Miercoles Santo at ang Mahal na Senyor ay Viernes Santo pa, ngunit ang mga ilawang yaon ay din a napasauli.
Isa sa pinakanakakatuwang bagay ay ang sumusundo sa Mahal na Senyor tuwing prusisyon ng Viernes Santo ay affair ng mga kalalakihan, pagdapit na pari sa Senyor at puros kalalakihan ang sadyang nagkakagulo dito, sa paghahatid ng Mahal na senyor sa tahanang kanyang kalalagyan, ang mga babae naman ang naguusong dito.
Sa kasalukuyan, ay patuloy pa rin ang tradicion ng Mahal na Senyor, ang mga devoto nito, ang mga himalang sa kanya’y nagmula, ang magulong prusisyon ng Viernes Santo, at ang linguhang magpapamano ng mga Rañola.